Monday, March 19, 2012





 Layunin:     
  
Pagkatapos ng pagbabasa sa blog na ito, ang mambabasa ay inaasahang:

  • Malaman ang kasaysayan at buong kwento ng Ibong Adarna
  • Makilala ang bawat tauhang bumubuo sa korido
  • Mabatid na ang Ibong Adarna ay isa sa mga pinaka-mahalagang yaman ng Panitikang Pilipino



Ibong Adarna


Isang koridong isinulat ni Jose dela Cruz (na kinilala sa taguring Huseng Sisiw) noong panahon ng Kastila na ngayon ay bahagi na ng Panitikan at Mitolohiyang Pilipino. Noong panahon ng pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas, kilala ito sa pamagat na Corrido at Buhay na Pinagdaanan nang Tatlong Principeng Magcacapatid na Anac nang Haring Fernando at nang Reina Valeriana sa Cahariang Berbania . May mala-epikong istilo ng pagkakasalaysay ang Ibong Adarna na tumatalakay sa kabayanihan, pag-ibig at kababalaghan. Nakasentro ang kwento sa Adarna, isang ibon na nagtataglay ng mahiwagang kapangyarihan na nakapagpapagaling ng anumang karamdaman sa sandaling umawit at marinig ang tinig nito. Umiikot din ang kwento sa pakikipagsapalaran ni Don Juan, isang prinsipe ng Kahariang Berbanya sa kanyang paghahanap sa Ibong Adarna, paglalagalag sa iba't ibang lupain at pakikipag-ibigan kina Donya Maria Blanca at Donya Leonora. May ilang mga kritiko ang nagsasabing maaaring ang sumulat ng Ibong Adarna ay si Jose dela Cruz o kilala sa tawag na Huseng Sisiw.







Kasaysayan

Bagaman ang Ibong Adarna ay isa na ngayon sa mga kinikilalang bahagi ng Panitikang Pilipino, ang akdang ito ay hindi orihinal na nagmula sa Pilipinas. Ito'y tulad din ng Bernardo Carpio na nagmula sa alinmang bansa sa Europa. Sa pananakop ng mga Kastila, ang Ibong Adarna ay nakarating sa Mehiko at hindi nagkalaon ay nakaabot sa Pilipinas. Kung titingnan,ang Ibong Adarna ay maituturing na kwentong bayan sapagkat hindi tiyak kung sino talaga ang totoong umakda nito. Nang isalin sa Wikang Tagalog ang naturang korido, ipinagpapalagay na ganito ang mga nangyari:


§  Ang pangalan ng orihinal na may-akda, na nagmula sa kung saan-saang bansa sa Europa ay hindi na isinulat ng mga sumunod na nagpalimbag,

§  Ginamit ng mga tagapagsalin ang kanilang pangalan, ngunit ito'y di isinama sa pagpapalathala,
§  Ang mga kauna-unahang salin ng akdang ito ay pawang sulat-kamay at nang maglaon ay hindi na kinopya ng mga sumunod pang nagsalin ang mga pangalan ng nauna sa kanila at,

§  Sapagkat hindi nga tiyak kung sino talaga ang totoong may-akda ng korido, pinili na lamang ng nakararaming tagapagsalin na huwag ng isama ang kanilang pangalan sa pagpapalimbag.

Nagsimulang maging popular ang Ibong Adrna sa mga bayang nagdiriwang ng pista. Marami ang hindi marunong bumasa kaya't iilan lamang ang mga kopyang napalimbag. Sa kabutihang-palad, di nagtagal ay itinanghal na ito sa mga entablado tulad ng komedya o moro-moro.
Ang karaniwang kaanyuan ng nasabing korido na siya ngayong pinag-aaralan sa mga paaralan ay ang isinaayos na salin ni Marcelo P. Garcia noong 1949.
Sa ngayon ay may ilang nagpapalagay na si José dela Cruz (o Huseng Sisiw), isang makatang kaalinsabay ni Francisco "Balagtas" Baltazar noong panahon ng pananakop ng mga Kastila ang kumatha ng Ibong Adarna. At dahil nga hindi katiyakan kung sino ang orihinal na may-akda at dahil na rin sa kasikatan nito sa Panitikang Pilipino, maraming nag-aakala na ang Ibong Adarna ay katutubo mismo sa Pilipinas.


Mga Tauhan

Don Fernando
Si Don Fernando ang ama ni Don Juan , Don Pedro at Don Diego.Ang kanyang asawa ay si Donya Valeriana. Siya ay nagkasakit sa simla nang storya dahil napanaghinipan niya na pinatay ang kanyang bunso na si Don Juan. Ang magpapagaling lang sakanya ay ang Ibong Adarna na hahanapin nang tatlong magkakapatid.

Don Pedro
Si Don Pedro ang pinakamatanda sa tatlong magkakapatid. Siya din ang pinakaunang naghanap sa Ibong Adarna ngunit hindi nagtagumpay. Si Don Pedro ay isang masamang kapatid. Noong iniligtas siya ni Don Juan , pinagtaksilan nila nito ni Don Diego. Binugbog nila at iniwan si Don Juan upang ipalabas sa hari na sila ang nakakuha nang Ibong Adarna. Si Don Pedro din ang nagplanong pakawalan ang Ibong Adarna habang si Don Juan ang nagbabantay. Siya din ang pumutol sa lubid ni Don Juan noong paakyat siya nang balon. Inagawa din niya ang babaing iniibig ni Don Juan na si Donya Leonora , ngunit siya ay tinangihan dahil si Don Juan ang tunay niyang mahal.

Donya Leonora
Si Donya Leonora ang isa sa mga iniibig ni Don Juan. Siya ay iniligtas ni Don Juan sa kanilang palasyo pagkatapos niya sagipin ang kapatid ni Donya Leonara na sa si Donya Juana. Si Don Pedro din ay may gusto kay Donya Leonora , ngunit ang tunay niyang mahal ay si Don Juan kaya kahit anong pilit ni Don Pedro , hindi ito gumagana. Si Donya Leonara din ang ipinakasalan ni Don Juan noong nakalimutan niya si Donya Maria.

 Arsobispo
Siya ang nagkasal kay Don Juan at Donya Leonora.

Don Juan
Si Don Juan ang Pangunahing Tauhan sa Ibong Adarna, siya ay nakipagsama sa tatlong iba’t-ibang babae. Isang Prinsipe ng Berbanya at anak ni Don Fernando at Donya Valeriana, kapatid ni Don Diego at Pedro(Bunso).

Don Diego
Si Don Diego ang ikalawang anak ni Don Fernando at Donya Valeriana. Asawa ni Donya Juana, pinakatahimik sa magkakapatid.

Donya Maria
 Si Maria ang anak ni Salermo at nakatira sa de los Cristales.Asawa ni Don Juan. Marunong gumamit ng Mahika

Ibong Adarna
Isang Ibon na may mahika na makakapaggaling ng mga tao pero ang dumi nito ay ginagawang bato ang mga tao

Donya Juana
Si Donya Juana ang kapatid ni Donya Leonora, unang iniligtas ni Don Juan sa balon pero naging asawa ni Don Pedro.
Donya Valeriana

Si Donya Valeriana
Ang asawa ni Don Fernando at ina nina Pedro, Diego at Juan.

Haring Salermo
Siya naman ang hari ng Reyno de los Cristales. Ayaw niya ibigay ang anak niya, si Donya Maria sa mga lalaki. Nakakapaggamit din ng mahika

Ermitanyo sa Bundok Tabor
Ermitanyo na nagtulong kay Don Juan hulihin ang Ibong Adarna at gawin normal ang kanyang mga kapatid

Ermitanyo 2
Nagtulong kay Don Juan para makausap ang pangatlong Ermitanyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng baro ni Jesus

Ermitanyo 3
Pangatlong Ermitanyo na marunong magkausap ng mga hayop sa dugat. Nagtulong kay Don Juan hanapin ang agila na alam kung saan ang Reyno De los Cristales

Leproso sa Bundok Tabor
Leproso na tinulungan ni Don Juan sa pamamagitan ng pagbigay ng tinapay. Tinulungan din niya si Don Juan sa pamamagitan ng pagsabi kung saan ang Ermitanyo ng Bundok Tabor. Pareho silang tao ng Ermitanyo ng Bundok Tabor

Matanda 1
Matanda na nagsabi kung ano ang lunas sa sakit ni Haring Fernando(Ibong Adarna)

Higante
Ang higante ay ang nagbantay kay Donya Juana sa ilalim ng balon.
Serpyente -Ang Serpyente ay ang isa sa dalawang taga-bantay ni Donya Leonora sa palasyong nakatago sa ilalim ng balon.

Matanda 2
Itong matanda ang tumulong kay Don Juan noong siya ay pinagtaksilan ng mga kapatid at iniwan lamang nang bugbog at walang makain. Mahalaga itong matandang ito dahilkung hindi dahil sa kanya ay namatay na kaagad si Juan.

Mediko
Mediko ng Berbanya na hindi alam kung ano ang sakit ni Haring Fernando

Juana
Siya ang isang kapatid ni Donya Maria at ang isa pang anak ni Haring Salermo na naninirahan din sa Renyo de los Cristales.

Isabella
Siya ang isa sa mga kapatid ni Donya Maria.

Mga Tao sa Berbanya
Ang mga tao sa Berbanya ay napakamasunurin. Tahimik ang kaharian ng Berbanya dahil lahat ng utos ng hari ay sinusunod nila. Kapag masaya ang hari, masaya rin sila katulad noong kasal ni Diego at kapag malungkot ang hari, malungkot na rin sila katulad noong umalis si Juan sa Berbanya upang hanapin at hulihin ang Ibong Adarna.

Mga Tao sa de los Cristales        
Ang mga tao sa de los Cristales ay naging masaya noong bumalik na ang prinsesang si Maria at naging reyna na ng kaharian na iyon habang si Juan naman ang hari ng kaharian.

Lobo
Ito ang kasama ni Doya Leonora sa ilalim ng balon at ito rina ang tumulong kay Don Juan nang nahulog siya sa balon.

Agila
Ang Agila ang nag-dala kay Don Juan papuntang Renyo de los Cristales. Ito ay nag-pangako na dadalin niya si Don Juan sa Renyo de los Cristales nang hindi nasasaktan.

Olikornyo
Ito ang nagdala kay Juan sa pangatlong ermitanyo sa kanyang paghahanap sa de los Cristales.

Negrito
Ito ay ang nagkaroon ng palabas noong kasal at kapag pinapalo siya, si Juan ang nasasaktan.

Negrita     
Ang negrita ay kasama ng negrito sa laro ibinigay ni Maria Blanca sa kasalan ni Juan at Leonara.  Nag-uulat ang negrita ng mga pinaghirapan ni Juan kasama ni Maria Blanca.



Buod

Sa isang mapayapang kaharian ng Berbanya, may isang hari na ang pangalan ay si Don Fernando, ang kanyang asawa ay si Donya Valeriana. Sila ay may tatlong anak na lalaki. Ang pinakamatanda ay si Don Pedro, ang ikalawa ay si Don Diego at ang bunso ay si Don Juan.
Isang gabi, samantalang natutulog si Don Fernando, nagkaroon sya ng isang masamang panaginip at sya ay nagkasakit. Ang kanyang panaginip ay tungkol kay Don Juan na sya daw ay inihagis sa isang balong malalim ng dalawang lalaki. Kinabukasan, ipinatawag ang lahat ng manggagamot sa Berbanya upang gamutin ang hari, ngunit walang makapagpagaling sa kanya. Hangga't isang ermitanyo ang dumating at nagsabi na ang tanging makapagpapagaling sa kanya ay ang pitong awit ng Ibong Adarna. Ang Ibong Adarna ay matatagpuan sa puno ng Piedras Platas sa Bundok ng Tabor.
Isinugo ng hari ang kanyang dalawang anak na lalaki upang hanapin ang Ibong Adarna, ang una ay si Don Pedro at sumunod ay si Don Diego, ngunit sila ay nabigo sa paghahanap sa Ibong Adarna. Dahil sa Labis na pagod, sila ay nakatulog sa ilalim ng isang puno na kumikislap ang mga dahon na parang diamante. Kapag dumapo ang Ibong Adarna sa kalaliman ng gabi ito ay umaawit at pagkatapos ay umiipot. Nang mapatakan ng ipot ng ibong Adarna ang dalawang prinsipe, sila'y naging bato.
Lumipas ang tatlong taon ngunit hindi na nakabalik ang dalawang prinsipe, dahil dito natakot si Don Fernando na isugo ang kanyang bunsong anak na si Don Juan dahil baka magkatotoo ang kanyang panaginip. Ngunit nagpumilit si Don Juan na hanapin ang Ibong Adarna.
Samantalang si Don Juan ay naglalakbay upang hanapin ang ibon, nakita nya ang isang ketongin na humingi sa kanya ng pagkain. Dahil si Don Juan ay may magandang kalooban, ibinigay nya ang kanyang kahuli-hulihang baon na tinapay sa matandang lalaki na ketongin. Dahil dito, tinulungan sya ng ketongin kung papaano matatagpuan ang Ibong Adarna. Sinabi nito na mayroon isang maliit na bahay malapit sa bundok kung saan nakatira ang isang ermitanyo na magbibigay sa kanya ng kaalaman kung papano mahuhuli ang Ibong Adarna. At ibinilin din ng matanda na huwag syang hihimlay sa isang puno na kaiga-igaya ang anyo.
At nagtungo si Don Juan sa bahay ng ermitanyo, pinatuloy naman si Don Juan sa bahay ng ermitanyo at inanyayahang kumain. Nagulat si Don Juan nang makita nya na ang pagkain na inaalok sa kanya ay ang kanyang tinapay na ibinigay sa isang ketongin. Kaya't inisip ni Don Juan na ang ermitanyo at ang ketongin ay iisa. Binigyan ng ermitanyo si Don Juan ng pitong dayap, matalim na labaha, at gintong sintas. At kanyang sinabi na tuwing kakanta ang Ibong Adarna, kailangan sugatan nya ang kanyang katawan at patakan ng katas ng dayap ang sugat upang hindi sya makatulog. Kailangan din nyang umiwas kung ang ibon ay umipot pagkatapos umawit ng pitong awit. At kapag nahuli na nya ang Ibong Adarna, dapat talian nya ito ng gintong sintas na ibinigay sa kanya ng ermintanyo.
Naging matagumpay si Don Juan na makita at mahuli ang Ibong Adarna ayon sa bilin ng matanda. Dinala nya ang Ibong Adarna sa bahay ng ermitanyo na doon ay inilagay sa isang hawla ang ibon. Kanya ring nailigtas ang kanyang dalawang kapatid nang buhusan nya ito ng tubig ayon sa ng ermitanyo. Ngunit sa kabila ng mga ito, naiingit si Don Pedro kay Don Juan at sinabi nya kay Don Diego ang kanyang masamang balak kay Don Juan. Sumang-ayon si Don Diego sa masamang balak ng kanyang kapatid. Kanilang sinaktan si Don Juan hanggang sya ay mawalan ng malay. Kinuha nina Pedro at Diego ang Ibong Adarna at dinala ito sa hari. Gayunpaman, pagdating nila sa hari hindi humuni at umawit ang ibon.
Samantala, nagdasal si Don Juan dahil sa hindi sya halos makagapang sa bugbog na tinanggap mula sa dalawang kapatid. Isang matanda ang tumulong sa kanya at sya'y hinilot hanggang gumaling. Dagli-dagli syang umuwi at sa kanyang pag-dating sa kaharian nagpalit agad ng balahibo ang ibon at bigla itong umawit. Ang kanyang pitong mga awit ay patungkol sa ginawa ng dalawang prinsipe kay Don Juan, na doon din gumaling ang hari.
Nais ni Don Fernando na parusahan ang kanyang dalawang anak dahil sa kanilang ginawa kay Don Juan, nguni't paglao'y nagbago din ang kanyang isip dahil sa paki-usap na rin ni Don Juan.
Ngunit isang gabi na nagbabantay si Juan sa ibong Adarna, siya ay nakatulog at hindi namalayan na pinakawalan nina Pedro at Diego ang Ibon at lumipad ang ibon papalayo sa kaharian ng Berbanya. Ipinasya ni Juan na umalis at magpunta sa bundok ng Armenia dahil sa takot na sya ang pagbintangan na nagpalaya sa ibon. Ngunit sya ay ipinahanap ng hari sa kaniyang dalawang kapatid. Natagpuan ni Don Pedro at Don Diego si Don Juan sa Armenia. Sa kanilang paglalakbay pabalik, isang araw nakakita sila ng isang balon, sila'y bumaba doon ngunit tanging si Juan lang ang nakaabot sa pondo ng balon at sa ibaba nito nakita nya ang isang napakagandang ginintuang palasyo. Doon nakita din niya ang mga magagandang prinsesa na si Juana at Leonora, nguni't sila ay binabantayan ng serpente na may pitong ulo at higante. Napatay ni Juan ang higante at ang serpente. Dahil doon, sumama sila Prinsesa Juana at Leonora kay Juan palabas ng balon, nguni't naiwan ni Leonora ang kanyang singsing sa isang mesa. Dagling binalikan ni Juan ang singsing, nguni't sampung dipa pa lamang si Juan patungo sa ilalim ng balon ay dagling pinutol ni Pedro ang lubid. Nahulog si Juan sa ibaba ng balon at sya'y labis na nasaktan. Subalit inutusan ni Leonora ang kanyang alagang lobo upang tulungan si Juan at sila ay umalis na patungo ng Berbanya.
Nang makarating sa Berbanya, Si Diego ay ikinasal kay Juana, ngunit si Prinsesa Leonora ay humingi ng pitong taon bago magpakasal kay Pedro. Si Don Juan naman ay nakaligtas na rin mula sa balon sa tulong ng lobong alaga ni Leonora, nakuha na rin nya ang singsing nito. Samantalang sya'y pabalik na sa Berbanya, nakatulog sya sa ilalim ng isang puno na sya'ng pagdating ng Ibong Adarna. Nguni't sya ay nagising at nirinig ang awit ng ibon tungkol sa isang mas magandang prinsesa na si Maria Blanca na anak ni Haring Salermo ng kaharian ng Delos Cristal. Nang marinig nya ito, sya ay nagpasya na hanapin ang kaharian ng Delos Crsital. Nguni't hindi nya ito matagpuan hanggang maglakbay sya sa ikapitong bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na500 sunbalit hindi rin alam ng ermitanyong ito ang Delos Cristal, kaya ipinasya ng ermitanyo na sya'y papuntahin sa ikapitong bundok upang hanapin ang isang ermitanyo na may edad na 800, sa tulong ng isang agila na sinakyan ni Juan, siya'y nakarating sa kaharian. Nguni't ang bilin ng agila, sya'y dapat magtago kung ang tatlong prinsesa ay maliligo tuwing ikaapat. Pagkagayon itinago ni Juan ang damit ni Donya Maria at pagkatapos maligo nito hinanap ni Maria ang kanyang damit ngunit paglipas ng isang oras ay nagpakita na rin si Juan at ipinahayag ang kanyang malinis na layunin sa prinsesa. Gayunpaman, hindi nagalit ang prinsesa at ibinilin nya ang kanyang gagawin kapag sya ay makita ni Haring Salermo.
Sinubok ni Haring Salermo si Juan, naging mahigpit ang mga pagsubok na ibinigay ni Haring Salermo kay Juan. Ang unang pagsubok ay ang pagtibag ng bundok, pagpapatag nito at pagtatanim ng trigo na kinakailangan kinabukasan ay may mainit na tinapay na magagawa kaagad si Juan at maibibigay sa hari. Ang ikalawa ay ang paghuli sa 12 negrito na pinakawalan sa karagatan. Ang ikatlo ay ang paglalagay ng bundok sa gitna ng dagat at gagawing kastilyo, na banding huli ay kanya ring pina- alis ang kastilyong ito upang makita ang nahulog na singsing ng hari sa karagatan. Ang pinakamahirap ay ang paghahanap nito ng singsing ng hari na kanyang pinaghati-hati ang katawan ni Maria upang hanapin ang singsing ng hari, dahil dito nawala ang isa sa mga daliri ni Maria. Gayunpaman, lagi nitong napagtatagumpayan ang lahat ng pagsubok ng hari sa tulong na rin ng Mahika Blanka ni Donya Maria. Dahil doon napilitan si Haring Salermo na ipakasal ang isa sa kanyang mga prinsesa Ang napili ni Juan ay si Maria kahit hindi ipinakita sa kanya ang mukha ng prinsesa. Dahil na rin sa naputol na daliri ni Maria bilang naging palatandaan ni Juan sa kanya. Nang malaman ni Haring Salermo na matagal ng magkakilala sila Juan at Maria nagalit sya at kanyang isinumpa ang anak na si Donya Maria. Ang sumpa ay, sya ay makakalimutan ni Juan at pakakasal sa iba.
Dagling umalis sila Juan at Maria patungo sa Berbanya. Nang malapit na sila Juan at Maria sa kaharian ng Berbanya pansamantalang iniwan ni Juan si Maria sa labas ng kaharian. Nguni't ng malaman ni Leonora na dumating na si Juan, sya'y lumapit kay Juan at nakalimutan ni Juan si Maria. Doon itinakda ang kasal nila Leonora at Juan, nguni't nang dumating si Maria, namangha sya sa napipintong kasal ng dalawa kaya sya ay humiling ng isang palaro na naging dahilan upang maalala ni Juan ang kanilang nakaraan ni Maria. Isang negrito at negrita ang inilabas ni Maria. Sa tuwing papalo ang negrita, hindi nasasaktan sng negrito. Ang nasasaktan ay si Don Juan. Unti-unting nagbalik ang ala-ala ni Juan at sila ay nagpakasal ni Maria. Samantalng si Leonora naman ay nagpakasal kay Pedro.
Pagkaraan nito umuwi sila Don Juan at Donya Maria sa Delos Cristal at sila ang tinanghal na Hari at Reyna sa kaharian. Pinamunuan nila ang kaharian na makatao, makatarungan at makaDiyos na pamumuno. Dahil ditto sila'y minahal ng taong-bayan.
Narito ang ilang mga halimbawa ng digital stories  ng Ibong Adarna na maaaring panoorin at gamitin:






 Ibong Adarna noong 1941 na isinapinikula :
 



 Mga Sanggunian:



“Ang pamamahal sa Panitikan natin ay pagpapakita narin ng pag-mamahal sa sariling atin.”
                                                                               -cheldelacruz


1 comment:

  1. Meron po ba kayong masasabing mensahe ng my akda ayon sa nag talakay

    ReplyDelete